-- Advertisements --

Matagumpay na naaresto ng National Bureau of Investigation ang nasa dalampung indbidwal na sangkot umano sa ‘financial scam’ sa lungsod ng Pasay.

Batay sa opisyal na pahayag ng kawanihan, pinangunahan ng NBI-Technical Intelligence Division ang naturang pag-aresto kung saa’y natuklasan na ang apat rito’y mga Chinese national.

Agaran nila itong sinampahan ng mga kasong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act, Social Engineering Schemes, Economic Sabotage, Anti-Illegal Gambling, Cybercrime Prevention Act at Misuse of Devices.

Nag-ugat ang naturang operasyon kasunod ng makatanggap ng ulat mula sa isang ‘confidential informant’ sa pinaghihinalaang operasyon ng ‘cryptocurrency scamming hub’ sa Pasay City.

Target umano nito ang mga foreigners o dayuhan mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo tulad ng Asia, Europe at iba pa.

Buhat nito’y sumangguni ang kawanihan sa Regional Trial Court ng Pasay para sa ‘search warrants’ na siyang ipinagkaloob naman ng naturang korte.

Sa ikinasang operasyon ng NBI, nasabat at nakumpiska ang ilang mga computer, laptop, cellphones at text blasters na umano’y gamit sa illegal na gawain.

Iprinesenta na ang mga naaresto sa ‘inquest proceedings’ ng Pasay City Prosecutor’s Office para sa kanilang mga nilabag o violations.