Nagbigay ng kanilang paliwanag ang Kataastaasang Hukuman hinggil sa inilabas na ‘online survey’ ng Judicial and Bar Council para sa mga aplikante ng pagka-Ombudsman.
Sa ipinadalang mensahe ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, kanyang sinabi na ang pag-imbita sa publiko upang magkumento hinggil sa mga kandidato ay hindi na aniya bago.
Dagdag pa niya, parte lamang ito ng ‘vetting process’ sa paghahanda ng ‘shortlist’ sa mga magiging nominado pagka-Ombudsman na siyang isusumete sa Pangulo.
Ang gawain raw na ganito ay upang makatulong sa Judicial and Bar Council na makakalap ng mas malawak na ‘background’ o impormasyon hinggil sa mga kandidato.
Bago pa man ginawang ‘online’, paliwanag ng naturang tagapagsalita na dati ay sa pamamagitan aniya ito ng mano-manong paraan o gamit ang ballpen at papel saka isusumite.
“It has always been the practice of the Judicial and Bar Council (JBC) to invite comments from the public on all applicants as part of its vetting process before preparing the shortlist of nominees for appointment by the President. This practice helps the JBC gather broader background information on candidates,” ani Atty. Camille Sue Mae Ting, spokesperson ng Korte Suprema.
Habang ang Judicial and Bar Council naman, kasabay ng paglalabas ng anunsyo hinggil sa skedyul ng mga public interview, kanilang ibinahagi na bukas silang tumanggap ng anumang reklamo kontra sa mga kandidato.
Anila’y ang publiko ay maaring maghain o magsumite ng sworn-complaint, report, o maging oposisyon sa mga aplikanteng nasa kanilang listahan.
Samantala, kaugnay pa rin sa Kataastaasang Hukuman, ang propesor o respondent naman na si Richard Heydarian ay kinumpirmang nagsumite na ng kanyang kumento kaugnay sa ‘indirect contempt’ nitong kinakaharap.
Kanyang inihain ito kasunod ng ipag-utos ng Korte Suprema na siya’y magkumento hinggil sa petisyon nina Atty. Mark Kristopher Tolentino at Atty. Rolex Suplico.
Iginiit ng Richard Heydarian na hindi umano siya maapektuhan nito at patuloy pa rin sa kanyang ginagawa bilang pagkilala aniya sa demokratikong pananalita.
Kaugnay ang naturang petisyon sa pahayag ni Heydarian patungkol sa inilabas na deklarasyon ng Kataastaasang Hukuman sa Impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Naniniwala kasi ang mga petitioners na salungat o nakapaninira umano sa desisyon ng Hudikatura ang inihayag ni Heydarian kamakailan.