Umaasa si Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva na mapapanagot ang mga contractor na sangkot sa umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Ito’y matapos pangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 15 contractor na may pinakamalalaking flood control project sa bansa.
Ayon kay Villanueva, matagal na niyang binibigyang-pansin ang isyu mula pa noong 2023 at mas mainam na ang mismong Pangulo, na may access sa malawak na intelligence reports, ang nagsiwalat nito.
Iginiit pa ng senador na wala sa mga kasamahan niya sa Senado ang konektado sa naturang mga contractor at hinimok na papanagutin ang mga mapatutunayang lumabag sa batas.
Inihayag din niya na humiling na siya sa SEC at iba pang ahensya ng kopya ng Articles of Incorporation at General Information Sheet ng mga kumpanyang sangkot upang matukoy ang mga indibidwal na konektado rito.
Binanggit ni Villanueva na tinututukan ng Senado ang halos P1 bilyon hanggang P1.4 bilyon na pang-araw-araw na badyet ng DPWH para lamang sa mga flood control project.