Kalunos-lunos ang sinapit ng isang guro matapos barilin mismo ng sarili nitong estudyante sa loob ng kanilang campus ng Balabagan Trade School sa Barangay Narra, Balabagan, Lanao del Sur.
Batay sa mga awtoridad nag-ugat ang pamamaril sa biktima na si Danilo Barba, 34-anyos matapos ibagsak sa isang subject si alyas Kaizer, 20-anyos at Grade 11 student.
Ayon sa Balabagan Municipal Police Station, umamin mismo ang suspek sa krimen na ginawa niya dahil sa matinding galit sa gurong nag-bagsak sa kanya.
Base sa imbestigasyon, pasado alas-8:00 ng umaga noong August 4, 2025 nang mangyari ang insidente.
Papasok sana sa campus si Barba nang harangin siya ng suspek at binaril sa ulo gamit ang isang kalibre .45 na pistol, na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.
Matapos ang krimen, nagtago ang suspek sa kanilang mga kamag-anak sa Marogong. Ngunit sa tulong ng kanyang kapatid na isang pulis, kusang loob siyang sumuko sa mga awtoridad kinabukasan.
Sinasabing hindi lang ang biktima na guro ang nagbagsak sa suspek at mayroon pa itong ibang mga guro na posibleng target subalit nilinaw ng suspek na si Barba lang daw ang kanyang kinagagalitan.
Sa ngayon may mga naitalaga ng mga pulis at sundalo upang tumulong sa pagbabantay sa eskwelahan.