-- Advertisements --

Inaresto ng mga kapulisan ang Bise Mayor ng Marantao, Lanao del Sur dahil sa kasong murder at frustrated murder.

Ang suspek na si Ali Eskandar Unte Alonto III o kilala din bilang si Bimmy Alonto, 36-anyos ay inaresto nitong araw ng Biyernes, Agosto 21.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) isinilbi nila ang warrant of arrest kay Alonto sa isang hotel sa Barangay San Miguel.

Inilabas ang warrant noong Hulyo 15 sa Regional Trial Court Branch 44 sa Intao, Misamis Oriental dahil sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa at frustrated murder na may piyansang P200,000.

Sinabi ni Police Major Joann Navarro, ang hepe ng Public Information Office ng PNP Regional Office 10, nagbunsod ang kaso sa naganap na barilan noong Pebrero 16, 2026 sa Barangay Tubigan, Intao, Misamis Oriental kung saan dalawang babae ang binaril.

Sa nasabing insidente ay isa ang nasawi na babae at sugatan naman ang kasama nitong menor de edad.

Nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga otoridad hanggang lumabas ang warrant of arrest.

Hindi naman natukoy ng PNP ang motibo ng nasabing pamamaril sa insidente.

Itinuturing ng PNP na si Alonto bilang Number 1 wanted person sa municipal level sa Marantao, habang number 3 naman sa Lanao del Sur provincial list at pang-number 4 naman siya sa regional list ng wanted person sa Police Regional Office 10.

Mula aniya na lumabas ang warrant of arrest noong nakaraang buwan ay walang tigil ang kapulisan na tukuyin ang kinaroroonan ni Alonto.