Lima ang nasawi, dalawa ang nasugatan, at anim pa ang nawawala matapos ang pagguho ng lupa sa Barangay Ngingir, Calanogas, Lanao del Sur madaling-araw ng Biyernes.
Batay sa paunang imbestigasyon, gumuho ang malaking bahagi ng lupa dahil sa walang tigil na pag-ulan na tumabon sa mga residente na nasa lugar nang mangyari ang insidente.
Patuloy ang search, rescue, at retrieval operations ng Calanogas Municipal Police Station katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), lokal na pamahalaan, mga opisyal ng barangay, at mga volunteer rescuers.
Sa pinakahuling tala, kumpirmado ang limang nasawi, dalawa ang sugatan, at anim pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Kinilala ang mga nawawala na sina Mujahid Abdulmajid, Mobairah Abdulrashid, Norhasan Abdulrashid, Lilikan Arab, Norlin Ali, at Norhanima Ali.
Nagpapatuloy ang operasyon sa kabila ng masamang panahon upang agad na mahanap ang mga nawawala at matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa lugar.
















