Nangako ang mga senador na una nang nagsulong ng pagpapa-resign kay Health sec. Francisco Duque III na kanilang babantayan ang takbo ng imbestigasyon sa Office of the Ombudsman ukol sa mga kapabayaan ng DoH sa kanilang trabaho.

Magugunitang kinumpirma ni Ombudsman Samuel Martires ang pagsisimula nila ng imbestigasyon ukol sa mataas na presyo ng mga biniling kagamitan sa pagtugon ng gobyerno sa kampanya kontra sa COVID-19.

Dito ay binuo ng anti-graft body ang dalawang lupon para siyasatin ang criminal at administrative charges laban kay Duque at iba pang health officials.

Ayon sa nagpalutang ng mga isyu laban sa health officials na si Sen. Panfilo “Ping” Lacson, napapanahon ang pagsisiyasat ng Ombudsman.

“Pero sana aniya ay hindi maging katulad ng mga reklamo kay dating BoC chief Nicanor Faeldon at iba pang opisyal na walang narating. It’s about time. I can only hope that this time around, the investigation will bear fruit and find those concerned liable and suffer the consequences of their misdeeds in taking advantage of the COVID-19 crisis for self-aggrandizement. My wish is that the outcome would be unlike the agricultural smuggling case I personally filed against Faeldon et.al, which continues to languish in the dustbin of the Ombudsman for an unusually long period of time,” wika ni Lacson.

Sa panig naman ni Senate committee on health chairman Sen. Christopher “Bong” Go, constitutional duty ito ng Ombudsman na dapat magbantay sa mga opisyal ng pamahalaan na nahaharap sa mga usapin.

Una rito, lumagda ang karamihang senador sa isang dokumento na humihimok kay Duque na magbitiw na sa pwesto dahil sa sari-saring isyu sa DoH.

Kasama na ang mamahaling PPE, kabagalan sa pamamagi ng tulong sa mga frontliners at marami pang iba.