Itinanggi ni Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson na isa din sa potensiyal na senator-judges sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ang usap-usapang nakipagkita umano siya sa Bise Presidente.
Sa isang statement, nilinaw ni Lacson na hindi tama para sa kaniya na posibleng umupong senator-judge sa nakabinbing impeachment trial sa Pangalawang Pangulo na makipag-usap sa akusadong indibidwal.
Bagamat inamin ni Lacson na nakakatanggap siya ng mga ulat na nagsasabing nakipagkita umano siya at isa pang senator-elect kay VP Sara kamakailan lamang.
Subalit mariin na pinabulaanan ito ni Lacson at sinabing hindi ito totoo at tahasang malisyoso sa kadahilanang siya ay isang elected senator na posibleng maging senator-judge sa impeachment trial ng Bise Presidente sakali mang tumawid ito sa 20th Congress.
Inihayag din niya na walang problema kung mag-courtesy call ang nanalong mga Senador o kongresista sa ikalawang pinakamataas na opiyal sa bansa kung hindi ito nahaharap sa impeachment trial, bagay na ginawa niya noong nanalo siya sa kaniyang ikatlong termino noong 2016 kung saan nag-courtesy call siya kay dating VP Leni Robredo.
Hindi naman malinaw pa sa ngayon kung saan nagmula ang usap-usapan ng umano’y pagbisita ni Lacson at isa pang senator-elect kay VP Sara.
Sa ngayon, nakabinbin pa ang impeachment trial laban kay VP Sara na ayon kay Senate President Chiz Escudero ay posibleng ang 20th Congress na ang magpapasya sa impeachment ni Duterte.