Bumagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas noong ikatlong kwarter ng 2025, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang pulong balitaan hinggil sa 2025 Third quarter report sa estado ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong araw ng Biyernes, Nobiyembre 7, iniulat ni PSA USec. at National Statistician Dennis Mapa na nakapagtala ang bansa ng 4% na paglago sa gross domestic product (GDP) noong ikatlong kwarter ng taon.
Ito ay mas mabagal kumpara sa 5.5% na naitala noong ikalawang kwarter at 5.4% na paglago noong unang kwarter ng 2025.
Nagdala naman ang third quarter GDP sa 5% na average growth. Ito ay mababa sa revised target ng pamahalaan na economic growth ngayong taon na 5.5% hanggang 6.5%.
Ayon kay USec Mapa, kung hindi isasama ang mabilis na pagbagal ng economic growth sa pagtama noon ng COVID-19 pandemic, ang naitalang growth rate noong ikatlong kwarter ang pinakamabagal simula noong 2011.
Aniya, ang spending sa construction ay nasa negative 26.2% noong ikatlong kwarter, ang pinakamababa mula sa naitalang 22.5% na pagbaba sa spending noong 2011, kung saan nagpatupad din ng restriksiyon sa infrastructure spending sa ilalim noon ni dating Pangulong Benigno Aquino III para mapigilan ang korapsiyon sa naturang mga proyekto.














