Ipinaliwanag ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan ang ilan sa mga pangunahing salik sa pagbagal ng economic growth sa ikatlong kwarter ng 2025.
Kabilang dito ang ilang restriksiyon na ipinatupad sa implementasyon ng mga proyektong imprastruktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng isyu sa korapsiyon sa flood control projects gayundin ang epekto ng mga tumamang bagyo sa bansa noong ikatlog kwarter.
Bilang tugon sa mga hamong ito, nagpapatupad ngayon ang pamahalaan ng mga estratehikong interbensiyon na target na mapalakas ang kumpiyansa ng mga investor at tiwala ng mga konsyumer para mapabilis ang economic growth.
Ayon kay Sec. Balisacan, ang Chief economist din ng Marcos administration, na kabilang sa mga ginagawa nilang intervention ay ang pagbibigay ng social protection at tulong pinansiyal para sa mga komunidad na naapektuhan ng mga kamakailang tumamang bagyo sa bansa.
Kumikilos na rin aniya ang mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan para maibalik ang mga serbisyo at mga imprastrukturang matinding naapektuhan ng nagdaang lindol at bagyong Tino partikular na sa may Cebu at Davao.
Samantala, ngayong idineklara na ang national state of calamity sa bansa, may kapangyarihan na ang pamahalaan para ma-access ang emergency funds ng mas mabilis upang matugunan ang mga lubos na pangangailangan, makontrol ang mga presyo ng basic goods, mapigilan ang hoarding at inflation at mapabilis ang relief at rehabilitation sa mga apektadong rehiyon.
Ang naturang mga hakbang aniya ay makakatulong upang mapabilis na mapanumbalik ang economic activity sa mga bulnerableng mga lugar.
















