-- Advertisements --

Kinumpirma ni House Appropriations Chair at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing na ang ₱156 milyong binawas mula sa panukalang 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP) ay inilipat sa Department of Health para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.

Ayon kay Cong. Suansing, ang mga programang may kinalaman sa tulong pinansyal at subsidya ay dapat ilaan sa mga ahensiyang may mandato rito tulad ng DSWD, DOH, o DOLE, kaya inilipat ang pondo sa DOH.

Nilinaw niyang mananatili ang dagdag-sahod ng mga empleyado ng OVP sa ilalim ng Salary Standardization Law, at sapat pa rin ang natitirang pondo para sa operasyon ng tanggapan.

Dagdag pa ng mambabatas kahit binawasan ng halos ₱150 milyon ang kabuuang budget, tumaas pa rin ang ilang bahagi ng operasyon ng OVP gaya ng supply, rent, at operational expenses.

Matatandaan, binawasan ng Kamara de Representantes ang pondo ng OVP para sa 2026 kasunod ng hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa plenary hearing ng kapulungan upang depensahan ang badyet ng kanyang tanggapan.