Gumawa ng kasaysayan ang Filipino-American na si Autumn Durald Arkapaw, matapos niyang manalo ng Oscar para sa Best Cinematography sa pelikulang ”Sinners” sa 98th Academy Awards.
Siya ang kauna-unahang babae na nakamit ang naturang parangal para sa kategoryang ito.
Halos magkahiyawan ang audience sa kanyang pagtanggap ng award matapos itong i-announce ng aktres na si Demi Moore.
Sa kanyang speech, nagpasalamat si Autumn sa direktor na si Ryan Coogler at sa lahat ng taong nakatrabaho niya sa pelikula. Bukod dito, binigyang-diin niya ang kanyang pasasalamat sa lahat ng kababaihan na nakilala niya sa Oscars at sa lahat ng kababaihan sa buong mundo.
“I’m so honored to be here and really want all the women in the world to stand up ‘coz I feel like I don’t get here without you guys,” ani Autumn.
Bukod sa Best Cinematography, nagwagi rin ang pelikulang “Sinners” ng tatlong ibang Oscars: Best Lead Actor para kay Michael B. Jordan, Best Original Screenplay para kay Ryan Coogler, at Best Original Score para kay Ludwig Göransson.
Si Autumn ay may karanasan na sa pag-cinematography ng ilang pelikula tulad ng The Last Showgirl (2024), Black Panther: Wakanda Forever (2022), at Palo Alto (2013).
Ang kanyang pagkapanalo ay itinuturing na inspirasyon para sa kababaihan sa industriya ng pelikula at sa mga Filipino sa buong mundo.













