-- Advertisements --

Nagningning ang pangalan ng aktor na si Michael B. Jordan matapos kilalaning best actor sa Academy Awards dahil sa kanyang pagganap sa pelikulang “Sinners.”

Sa pelikula, ginampanan ni Jordan ang kambal na magkapatid na humaharap sa mga vampire sa Mississippi noong dekada 1930.

“I stand here because of the people who came before me,” emosyonal na pahayag ng aktor sa stage.

Tinalo ni Jordan ang iba pang batikang nominado tulad nina Timothée Chalamet (“Marty Supreme”), Leonardo DiCaprio (“One Battle After Another”), Wagner Moura (”The Secret Agent”), at Ethan Hawke (“Blue Moon”).

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanalo siya ng Oscar matapos din niyang makuha ang Screen Actors Guild (SAG) Award dalawang linggo bago ang naturang award.

Sa edad na 39, kabilang na ngayon si Jordan sa iilang Black actors na nagwagi ng Best Actor sa Oscar, kasunod nina Sidney Poitier, Denzel Washington, Forest Whitaker at Will Smith.

Ang pelikulang “Sinners” ay idinirek ni Ryan Coogler, na matagal nang nakatrabaho ni Jordan sa mga pelikulang tulad ng “Fruitvale Station,” “Creed,” at “Black Panther.”

Kilala ang kanilang tambalan sa paglikha ng mga karakter na may malalim at komplikadong kuwento.

Bukod sa pag-arte, pinalalawak na rin ni Jordan ang kanyang karera sa pagprodyus at pagdidirek ng pelikula.

Nakatakda rin niyang idirek at pagbibidahan ang bagong bersyon ng “The Thomas Crown Affair,” na inaasahang ipapalabas sa mga sinehan sa 2027.