Tiniyak ni Senate committee on public services chairperson Sen. Grace Poe na hindi tatalakayin sa kanilang public hearing ang mga merito ng isyu na nakabinbin ngayon sa hukuman ukol sa provincial bus ban.
Matatandaang una nang naglabas ng preliminary injunction ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) para sa nasabing isyu dahil sa magiging epekto nito sa maraming pasahero at mga kompaniya ng bus.
Batay kasi sa patakarang nais ipatupad ng MMDA, hanggang sa Valenzuela na lang ang mga bus na manggagaling sa norte, habang titigil naman sa Sta. Rosa, Laguna ang mga magmumula sa katimugang parte ng bansa.
Ayon kay Sen. Poe, gagawin ang pagdinig para makalikha ng mga alternatibong paraan para matugunan ang problema sa daloy ng trapiko.
Aalamin din umano ng Senado kung sapat ang aksyon ng MMDA dahil sa mga nakalipas na araw ay lalo pang tumindi ang bigat sa daloy ng trapiko sa EDSA.