Pansamantalang naka-down ang official website ng Senado ngayong araw, matapos atakehin ng hackers.
Na-detect ang pananabotahe simula kaninang umaga, kaya minabuti ng Senate information technology (IT) division na isara muna ang web portal.
Maliban sa posibleng mapinsala ang buong database, maaari ring makakuha ng mga maling impormasyon ang mga taong bumibisita sa site.
Sinasabing naapektuhan ito ng distributed denial of service (DDoS).
Bago ito, una na ring inatake ng hackers ang personal web page ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon.
Ayon kay information technology officer Myke Cruz, na-monitor nila ang buhos ng pag-atake mula sa iba’t-ibang bansa.
“We view such service outage or disruption as a serious concern as its timing comes when the Senate Blue Ribbon panel is investigating alleged irregularities in government procurement for COVID-19 supplies and equipment,” wika ni Cruz.
Lumalabas sa pagsusuri na gumamit ang mga nasa likod nito ng “fake accounts” at ipinapakitang nagmula ito sa mga bansang kagaya ng China, America, Turkey, Vietnam at maging sa Hong Kong.
Ang estilong ito umano ng hackers ay ibinubuhos ang mga aktibidad sa isang site hanggang sa tuluyan itong bumagsak.