Aayusin ng pambansang pamahalaan ang mga imprastraktura sa Negros Occidental na nasira dahil sa Bagyong Tino.
Ito ang sinabi ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson matapos bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanilang probinsya.
Paliwanag ng gobernador, nakinig at isinaalang-alang ng Pangulo at ng kanyang mga kalihim ang iba’t ibang problemang inilahad ng mga lokal na opisyal sa situational briefing.
Kabilang dito ang mga nasirang tulay na nakaapekto sa pagbiyahe ng tulong at sa lokal na ekonomiya.
Bukod sa P50 milyong Presidential Financial Aid na natanggap ng Negros Occidental para sa pagbangon mula sa bagyo, nagbigay din ang pambansang pamahalaan ng dagdag na P45 milyon para sa mga bayan at lungsod na labis na naapektuhan.
Nagpasalamat din si Lacson sa pagbisita ni Pangulong Marcos na nagpapakita umano ng malasakit ng pamahalaan at nagbibigay-katiyakan na alam ng pambansang pamahalaan ang kanilang kalagayan.
















