-- Advertisements --

Sa gitna ng patuloy na kontrobersiya, iginiit ng Lawyers Commuters Safety and Protection (LCSP) na hindi sapat na si dating Rep. Zaldy Co lamang ang managot dahil may iba pa umanong “big players” na dapat tukuyin at isama sa imbestigasyon.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP, nagpahayag ito ng kritisismo at pangamba hinggil sa kontrobersiyang kinasasangkutan ni Co sa umano’y flood control scam na ngayon ay nagdudulot ng kontrobersiya matapos nitong idawit si President Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Atty. Inton, madali para sa Pangulong Marcos na itanggi ang mga alegasyon ni Co at tawagin itong kasinungalingan, ngunit malaking tanong umano kung bakit idinadawit ni Co ang pinakamakapangyarihang tao sa bansa kung layunin lamang nitong iligtas ang sarili.

Kinwestiyon pa ng abogado kung bakit hindi lamang si Romualdez ang pinangalanan ng dating mambabatas.

Binanggit din nito ang posibilidad na may hawak umanong ebidensiya si Co na nag-udyok sa pagbanggit nito sa Pangulo gaya ng mga bagay tulad ng taped conversation, sulat, o iba pang saksi.

Ipinunto rin niya na hindi sapat ang simpleng pagbasura ng Pangulo sa alegasyon.

Aniya, kung sinasabi ng mga kaalyado ng administrasyon na walang “probative value” ang video dahil hindi ito ginawa under oath, hindi rin umano dapat tanggapin ang pagtanggi ng Pangulo at iba pang opisyal kung ito ay hindi rin nasa ilalim ng panunumpa.

Dagdag ni Inton, kahit totoo man o hindi ang video, nararapat pa ring managot si Co sa mga kasong isasampa laban sa kanya.

Ngunit mahalagang tukuyin kung sinu-sino pa ang mga “higanteng buwaya” na dapat isama sa imbestigasyon.