-- Advertisements --

Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na umuwi sa bansa at personal na harapin ang inihaing mga paratang, matapos maglabas lamang ito ng mga pahayag sa pamamagitan ng video mula sa ibang bansa.

Ayon kay Dy, isa sa kanyang unang hakbang bilang bagong Speaker ay ang pagkansela ng travel authority ni Co upang mapilitang bumalik ito sa Pilipinas.

Dahil hindi pa rin umuwi ang dating kongresista, nakipag-ugnayan umano sila sa Department of Justice para mapabilis ang pagkansela ng pasaporte nito.

Binanggit din ng Speaker na lahat ng iba pang kongresistang pinagsusumite ng paliwanag ay nakipagtulungan at humarap sa imbestigasyon ng ICI, maliban kay Co na “umiwas” at mas lalo umanong “nakalito” sa publiko sa pamamagitan ng kanyang mga video.

Giit ni Dy, hindi sapat ang paglalabas ng pahayag mula sa ibang bansa.

 Aniya, dapat humarap si Co, manumpa, at magprisinta ng ebidensiya sa ICI. 

Tiniyak niyang handa ang Kamara na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya upang tiyakin ang kaligtasan ni Co kung sakaling magbigay ito ng testimonya.