-- Advertisements --

Umapela si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula sa militar at pulis na manatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at sa bayan kasunod ng kanyang pahayag na ang bansa ay kasalukuyang humaharap sa malalim na moral at espirituwal na krisis dahil sa isyu ng korapsyon at kawalan ng tiwala sa mga institusyon.

Ayon kay Advincula, dapat manatili ang sambayanan sa “rule of law” at mariing tanggihan ang anumang panawagan para sa mga hakbanging labas sa konstitusyon.

Ani Advincula, ang katapatan ng bawat mamamayan ay dapat nakatuon sa bansa at sa demokratikong prinsipyo, hindi sa sinumang personalidad o pansariling interes.

“Sa mga sandali ng malalaking pagtitipon at pampublikong diskurso, hindi natin dapat hayaang manaig ang damdamin sa halip na katwiran,” giit ni Advincula sa Ingles. 

“Ang ating katapatan ay dapat nakatuon sa ating bansa at mga demokratikong prinsipyo, hindi sa mga tao, at lalo na hindi sa mga pansariling interes,” dagdag niya. 

Hinimok din nito ang publiko na maging matalino, mapanuri, at maingat sa pagtanggap at pagbabahagi ng impormasyon.

“Ang virus ng kasinungalingan at disimpormasyon—na tinawag ng ilan na “pandemic of lies”—ay maaaring manupil sa ating kakayahang kilalanin ang katotohanan at kabutihan,” ayon pa sa Cardinal. 

“Tungkulin natin bilang mga Kristiyano na beripikahin ang mga impormasyong ating tinatanggap at umiwas sa pagpapakalat ng anumang hindi pa napapatunayan. Gawin nating pamantayan ang katotohanan,” binigyang-diin niya. 

Sa huli, nanawagan si Cardinal Advincula sa lahat na a siyasatin ang ating konsensya, baguhin ang ating pamumuhay, at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. 

“Ito’y panawagan para sa personal at institusyonal na pagbabagong-loob, upang manaig ang integridad, pananagutan, katotohanan, at katarungan,” dagdag niya.