Inihayag ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na may P17.9 bilyong pork barrel umano ang Senado sa local government units (LGUs) para sa 2026, na kinuha umano mula sa pondo para sa benepisyo ng mga guro at empleyado ng gobyerno.
Paliwanag ng mambabatas na binawasan ng Senado ang Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) mula P111.5 bilyon patungong P56.5 bilyon, habang pinalaki ang Local Government Support Fund (LGSF) mula P20.2 bilyon patungong P38.1 bilyon.
Tinawag niya itong slush fund para sa local patronage, at nakakaapekto sa regularization ng libu-libong contractual workers.
Saad pa ni Rep. Tinio, ang dagdag na support fund para sa mga lokal na pamahalaan ay nakapaloob sa P7.6 bilyon para sa Financial Assistance to LGUs at P10.3 bilyon sa Growth Equity Fund.
Kaugnay nito, nanawagan ang mambabatas na ibalik ang Miscellaneous Personnel Benefits Fund at alisin ang pork barrel para sa LGUs upang maibalik ang pondo sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa.















