-- Advertisements --

Nagbabala si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na magdudulot ng mapanganib na halimbawa at wawasak sa tiwala ng publiko sa hustisya kung hahayaang maging taguan ng mga pugante ang Senado.

Ito ang inihayag ni Matibag nitong Sabado, kasunod ng biglaang pagkawala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng naunang garantiya ng mga senador na ito ay nasa ilalim ng kanilang “protective custody” at ihaharap kapag hiningi ng batas.

Ayon kay Matibag, nagkausap na sila ni Senate President Alan Peter Cayetano noong Mayo 11 nang unang tangkaing arestuhin ang senador kaugnay ng kaso nito sa International Criminal Court (ICC) ukol sa drug war ng administrasyong Duterte.

“Usapang lalaki po ‘yun with the Senate President and with the other senators na they’re saying he is under the protective custody of the Senate,” pahayag ni Matibag.

Paliwanag ng NBI chief, pananagutan ng Senado na ilabas si Dela Rosa kapag ipinatatawag na ng korte.

Inihalintulad niya ito sa baggage counter na dapat managot kapag nawala ang iniwang gamit.

Nagbabala rin si Matibag na kung mapoprotektahan ang mga pugante, hihina ang paggalang sa batas at iisipin ng mga kriminal na sapat na ang maging senador para matakasan ang pananagutan.

Si Dela Rosa ay sandaling nagpakita sa Senado nitong buwan para bumoto sa rigodon sa liderato bago muling nagtago.