Naging emosyonal si Senator Joel Villanueva sa pagharap kay dating Bulacan 1st District OIC Engr. Brice Hernandez sa Senate Blue Ribbon Committee hearing.
Kung babalikan ang huling pagdinig ng House Infrastructure Committee, tinukoy ni Hernandez si Sen. Villanueva bilang isa sa mga Senador na umano’y nakakatanggap ng kickback sa ilang flood control project sa Central Luzon. Bilang patotoo nito ay iprinisenta pa ni Hernandez ang mga mensahe na umano’y nagmula kay Villanueva.
Sa pagharap ng dalawa sa Senate hearing, tahasang sinabi ng Senador na nasisira ang kaniyang imahe, pangalan, at pamilya, kasama ang simbahang kaniyang kinaaniban.
Giit ni Villanueva, marami ang naniwala sa naging pahayag ni Hernandez at tuluyang nagalit sa kaniya.
Ito aniya ay kahit pa walang katotohanan ang mga nabanggit ng inhinyero.
Iprinisenta rin ng Senador ang isang audio-video presentation na nagsasabing sa loob lamang ng 20 segundo ay kayang baguhin at dayain ang mga disapperaring Viber message.
Giit ni Villanueva, 20 segundo lamang ang itatagal ng actual na pag-edit at pag-fabricate ng screenshot ng conversation, at metadata ng mga imahe.
Binigyang diin ng Senador na ang mga imahe o larawan ng mga screenshot na ipinakita ni Hernandez sa pagdinig ng Kamara ay pawang kasinungalingan.
Ito ang unang paghaharap ng dalawa mula noong huling nagsagawa ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee nitong nakalipas na linggo sa ilalim pa noon ng chairmanship ni Sen. Rodante Marcoleta.