-- Advertisements --

Nilinaw ni dating Ombudsman Samuel Martires na ibinasura ang dismissal order noong 2019 kay Senator Joel Villanueva dahil walang probable cause.

Ito ay matapos muling buhayin ng kaniyang successor at kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang naturang usapin, kung saan hiniling niya sa Senado na ipatupad ang naturang kautusan laban sa Senador na may kaugnayan sa maling paggamit ng kaniyang 2008 Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel noong siya’y kongresista.

Subalit, inihayag ng dating Ombudsman na kinatigan niya ang motion for reconsideration ng Senador na humiling na baliktarin ang dismissal order., Aniya, nagpresenta ang Senador ng excerpts o bahagi ng desisyon ng Ombudsman noong 2019 na nagbabasura sa malversation case laban sa kaniya.

Sa katunayan aniya, walang probable cause o resonableng basehan para paniwalaang posibleng nagawa ang krimen. Malinaw din aniyang dinaya ang mga lagdang lumabas na nasa ibabaw ng pangalan ni Villanueva.

Nagbahagi rin aniya ang Senador ng screenshots ng clearances mula sa Ombudsman at Sandiganbayan na naglilinaw na walang nakabinbing mga kasong kriminal o administratibo si Villanueva.

Nakuha aniya ng tanggapan ng Senador ang clearances bago pa man ang pagsasampa ng mga kaso laban sa kaniya mula sa tinawag niyang nagpapakalat ng fake news.

Matatandaan, nag-ugat ang dismissal order kay Sen. Villanueva, noong siya ay kinatawan pa ng CIBAc party-list, matapos ipag-utos ni noo’y Ombudsman Conchita Carpio. Subalit in-adopt ng Senado sa ilalim din noon ng pamumuno ni Sen. Vicente Sotto, na chairperson ng Senate Committee on Rules ang argumento ng abogado ng Senado, na walang kapangyarihan ang Ombudsman at tanging Senado lamang ang may kapangyarihang suspendihin o sibakin mula sa serbisyo ang sinumang miyembro nito.