Nakakaalarma kung mapapatunayang totoo ang umano’y “secret deal” o lihim na kasunduan kaugnay ng PDAF case ni Senador Joel Villanueva.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, mahalagang mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya ng bansa, kaya’t anumang indikasyon ng katiwalian o lihim na kasunduan ay dapat maimbestigahan nang mabuti.
Tugon ito ni Castro sa ulat na umano’y “secret decision” ni former Ombudsman Samuel Martires sa dismissal case ni Senator Joel Villanueva noong 2016.
Giit ni Castro, hindi dapat nagkakaroon ng pagdududa ang publiko sa sistema ng hustisya, lalo na’t ang Ombudsman ang pangunahing institusyong lumalaban sa korapsyon.
Hinimok din ng Palasyo si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na silipin ang isyu upang matukoy kung may nalabag na batas o iregularidad.
Dagdag pa ng opisyal, dapat tiyakin ng Ombudsman na lahat ng desisyon ay dumaan sa tamang proseso at may wastong abiso sa mga kinauukulan upang mapanatili ang tiwala ng taumbayan.













