-- Advertisements --

Sa pamamagitan ng electronic filing, sinampahan na ng isang abogado sa Department of Justice (DoJ) si Sen. Koko Pimentel dahil sa paglabag nito sa self quarantine matapos magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Atty. Rico Quicho na siyang naghain ng kaso, nilabag daw ng senador ang RA 11332 at ang implementing rules and regulation ng naturang batas maging ang ilang regulasyon ng Department of Health (DoH).

Sa ilalim ng R.A. 11332 o mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern act, maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ang isang indibidwal na lumabag sa btas mula P20,000 hanggang P50,000.

Naniniwala ang abogado na naging pabaya si Sen. Pimentel nang nagtungo ito sa Makati Medical Center sa panahong siya pala ay positibo sa covid dahilan para malagay sa peligro ang publiko lalo na ang mga health workers ng naturang ospital na umasikaso sa kanilang mag-asawa.

Ayon naman kay Justice Sec. Menardo Guevarra, agad daw nilang itatakda ang araw ng preliminary investigation sa reklamo kapag humupa na ang lockdown o enhance community quarantine.