-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pagtutol si Sen. Imee Marcos sa paghirang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman ng Pilipinas.

Sa isang pahayag, iginiit ni Sen. Marcos na ang appointment ay bahagi umano ng isang mas malawak na plano upang gipitin si Pangalawang Pangulo Sara Duterte at ang kanyang mga kaalyado bago ang halalan sa 2028.

Tinawag niya itong bahagi ng tinaguriang “Plan C,” kasunod ng umano’y nabigong mga hakbang tulad ng People’s Initiative at impeachment laban kay VP Duterte.

“Hindi ito simpleng appointment. May malisyosong layunin ito,” ani Sen. Marcos, sabay pagbunyag na siya ay naghain ng mga reklamo laban kay Remulla sa Ombudsman kaugnay ng pag-turnover ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Gayunman, ibinasura ang mga reklamo, dahilan upang makapasok si Remulla sa shortlist ng Judicial and Bar Council.

“Bonget, si Boying talaga? Sure ka? Ok ka pa ba?” dagdag pa ng senadora.

Itinanggi naman ng Malacanang ang mga alegasyon ng presidential sister at iginiit na dumaan sa tamang proseso ang appointment. 

Opisyal nang itinalaga si Remulla bilang Ombudsman kahapon, Oktubre 7, kapalit ni Samuel Martires. May fixed term siya na pitong taon, hanggang 2032.