Pinasalamatan ni Sen. Bong Go na siya ring chairman ng Senate Sports Committee si Pangulong Rodrigo Duterte nito sa Republic Act 11470 na lumilikha sa National Academy of Sports.

Sinabi ni Sen. Go, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang National Academy of Sports Act sa isang simpleng seremonya sa Davao City kahapon, June 9.

Ayon kay Sen. Go, naniniwala siyang sa pamamagitan ng bagong batas, makakahabol ang Pilipinas sa progresibong bansa sa usapin ng sports development.

“I firmly believe that with this law, we will be able to catch up with the rest of the world in terms of sports development,” ani Sen. Go na isa sa mga principal authors ng batas.

Inihayag ni Sen. Go na panahon na para makapagtayo ang Pilipinas ng learning institution na nakatutok sa sports at ngayon na magkakaroon na ng National Academy of Sports, sabay nang mabibigyan ang mga kabataang atleta ng pagkakataon na mag-training at makapag-aral sa isang world-class na pasilidad at eskwelahan.

Sa kanyang unang buwan bilang senador, inihain ni Go ang Senate Bill No. 397 na naglalayong magtatag ng isang high school para sa sports at binanggit pa ito ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) bilang bahagi ng priority legislative agenda ng administrasyon.

“As the Chairman of the Committee on Sports, I would like to express my gratitude to my fellow legislators for coming together in support of this measure for the benefit of our youth and for the benefit of Philippine sports.”