Naitala ng House of Represenatives ang pinakamataas na trust rating nito noong Hunyo, sa ilalim ng pamumuno ni Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin G. Romualdez.
Batay sa pinakahuling survey tumaas ang “much trust” rating ng Kamara sa nakaraang tatlong buwan. Mula 34% noong Abril 2025, umakyat ito sa 49% noong Mayo, at umabot sa 57% nitong Hunyo.
Ipinapakita ng mga numerong ito ang lumalalim na kumpiyansa ng publiko sa Kamara sa panahong sinusubok ng malalaking isyung pambansa ang tibay at pagiging independent ng institusyon.
Tumaas din ang tiwala ng publiko kay Speaker Romualdez mula 23% noong Abril, naging 26% sa Mayo, at umabot sa 34% sa Hunyo.
Ipinapakita nito na kinikilala ng taumbayan ang kanyang matibay na pamumuno kahit sa gitna ng tensyong pulitikal.
Ayon kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, patunay ang mga resultang ito sa mga nakamit ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez nitong nakalipas na tatlong taon.
Ayon sa kanya, sa pamumuno ni Romualdez, naipasa ng Kamara ang 61 sa 64 na mahahalagang panukala mula sa LEDAC, kabilang ang 27 sa 28 na prayoridad sa ikatlong regular session. Higit 280 batas ang naisabatas at mahigit 13,800 panukalang batas ang naihain, kaya’t isa ang ika-19 na Kongreso sa mga pinaka-masigasig na Kongreso sa kasaysayan.
Sa kabila ng tensyon dulot ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, nanatiling nakatuon ang Kamara sa mahahalagang batas para sa kapakanan ng mamamayan.
Ayon kay Abante, ang matatag na pagtatapos na ito ng ika-19 na Kongreso ay nagtaas ng inaasahan ng publiko para sa papasok na ika-20 Kongreso.
Dagdag pa ni Abante, ang mataas na trust ratings ay malinaw na mensahe mula sa taumbayan.