-- Advertisements --

Isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na benepisyo at proteksyon para sa mga kasambahay. 

Sa ilalim ng Senate Bill No. 418 o Enhanced Batas Kasambahay Act, ipagkakaloob sa mga kasambahay ang libreng gamot, access sa edukasyon, at mas mahigpit na pagpapatupad ng kanilang karapatan. 

Palalawakin din ang kasalukuyang Republic Act No. 10361 para matugunan ang patuloy na problema ng mababang sahod, kakulangan sa skills training, at limitadong suporta sa kalusugan ng mga kasambahay.

Samantala, bibigyan ang mga kasambahays ng hindi bababa sa isang oras kada araw o anim na oras kada linggo para sa skills training o alternative education ng mga kasambahay. Babayaran ito bilang bahagi ng kanilang working hours.

Para suportahan ang online learning, inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglunsad ng programang magbibigay ng internet-enabled devices sa mga kasambahay.

Bukod dito, itatatag rin ang Kasambahay Education Inter-Agency Committee na binubuo ng DOLE, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHED) para bumuo ng practical modules, tiyaking may access kahit may teknikal na limitasyon, at balansehin ang karapatan ng amo at kasambahay.

Pinalalakas din ng panukala ang pagpapatupad ng obligasyon ng mga amo na irehistro ang kasambahay sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG. May dagdag suporta rin sa mga kasambahay na biktima ng abuso o pagsasamantala.