-- Advertisements --

Nagpahayag ng pag-asa si Senador Christopher “Bong” Go kaugnay sa apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) para sa interim release o pansamantalang paglaya.

Ayon kay Go, naniniwala siyang makatutulong ito sa kalusugan at makapagpapahaba ng buhay ng dating pangulo.

Matatandaang ibinasura na ng ICC Pre-Trial Chamber ang unang hirit ng kampo ni Duterte para sa pansamantalang paglaya.

Gayunpaman, naghain ng apela ang kanyang mga abogado at inaasahang maglalabas ng desisyon ang ICC Appeals Chamber ngayong araw.

Kung sakaling pagbigyan, ipinaliwanag ng mga eksperto na minimal lamang ang epekto nito sa takbo ng kaso dahil mananatili ang paglilitis.

Samantala, sinabi ni Atty. Kristina Conti, abogado ng mga pamilya ng mga biktima ng drug war, na hindi pumapasa sa pamantayan ng ICC ang argumento ng kampo ni Duterte.

Sa kabila nito, nanawagan si Sen. Go ng patuloy na pag-unawa at panalangin para sa dating pangulo habang hinihintay ang desisyon ng ICC.