Handa na ang pambato ng Pilipinas, si Miss Charm Philippines 2025 Cyrille Payumo, para sa gaganaping Miss Charm International pageant sa Vietnam sa darating na Disyembre 12, 2025.
Si Cyrille ay lumahok sa Miss Universe Philippines 2024 kung saan siya ay kinoronahan bilang Miss Charm Philippines 2025. Isa siyang beteranang beauty queen na matatandaang naging Mutya ng Pilipinas 2019 first runner-up at Miss Tourism International 2019.
Ang mga karanasang ito ang nagpatibay sa kanyang adbokasiya para sa pagpreserba ng kultura at hanapbuhay ng mga komunidad ng Aeta sa Porac, Pampanga, isang hakbang na nakatutulong sa pagpapalakas ng kaalamang kultural at pag-unlad ng komunidad.
Samantala, inihayag ni Cyrille na siya ay patuloy na lumalaban sa Polycystic Ovary Syndrome (PCOS). Aminado siyang hindi naging madali ang laban na ito, kaya nanawagan siya na ang kailangan ng mga kababaihang may PCOS ay hindi panghuhusga o body shaming, kundi pag-unawa, empatiya, at suporta.
“What we truly need is not judgment but understanding, empathy, and support,” aniya sa isang post.
Sa kabila ng kanyang pinagdadaanan, napansin ng pageant fans na mas lalo umanong nagiging glowing si Cyrille ngayon. Umaasa ang netizens na maiuuwi niya ang kauna-unahang Miss Charm crown para sa Pilipinas.
















