Tiwala ang kampo ng mga biktima ng drug war na ibabasura ng appeals chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa hirit nitong pansamantalang paglaya o interim release.
Matatandaang una na itong tinanggihan ng pre-trial chamber ng ICC.
Ayon kay Atty. Kristina Conti, assistant to counsel ng ICC, hindi pumapasa sa pamantayan ng ICC ang mga argumento ng kampo ni Duterte para sa interim release.
Aniya, ang desisyon na ito ay 99% confident sila na hindi papayagan ang apela.
“Dahil sa matibay na factual at legal findings ng Pre-Trial Chamber, walang dahilan para baliktarin ang desisyon nila nung September na hindi i-grant ang interim release. Sa madaling salita, walang batayan para palayin si Duterte,” wika ni Conti.
Sa kasaysayan ng ICC at doon sa parametro, ang basic umanong criteria ng interim release ay kung pasok sa pamantayan ang kagustuhan ni Duterte, bagay na para sa kanila ay napakalayo sa katotohanan.
Dagdag pa niya, kahit sakaling pagbigyan ng appeals chamber ang apela, halos wala rin itong magiging epekto sa kabuuang takbo ng kaso.
Sa ngayon, nakatuon ang kampo ng mga biktima sa magiging desisyon ng ICC kaugnay sa isyu ng fitness to stand trial ng dating pangulo.















