Naglabas ng mahigpit na babala ang Korte Suprema laban sa isang hukom ng Regional Trial Court (RTC) sa Marikina City kaugnay ng hindi umano angkop na asal nito sa isang insidente sa parking na kinasangkutan ng isang abogado ng Public Attorney’s Office (PAO).
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, sinabi ng Court En Banc na umakto nang hindi nararapat si Judge Rey Inciong nang sawayin nito sa publiko si PAO lawyer Ivanheck Gatdula at igiit ang isang public apology, sa kabila ng agarang paghingi na ng paumanhin ng abogado.
Nag-ugat ang insidente nang saglit na pumarada ang sasakyan ni Gatdula sa harap ng Marikina Hall of Justice upang mag-time in at maiwasan ang kanyang pagka-late. Dahil dito, naharangan ang ramp para sa persons with disabilities at pedestrian walkway.
Bagamat agad namang humingi ng paumanhin si Gatdula, iginiit pa rin umano ni Judge Inciong ang isang public apology. Pinuntahan pa ng hukom ang opisina ng PAO upang ipagpatuloy ang pagsita—isang hakbang na inilarawan ng Korte Suprema bilang pananakot at hindi kinakailangan.
Kinilala ng mataas na hukuman ang layunin ng hukom na mapanatili ang kaayusan, subalit binigyang-diin nito na ang mga hukom ay inaasahang magpakita ng pasensya, may galang at dignidad sa lahat ng pagkakataon.
Dahil sa insidente, inirekomenda ng Office of the Court Administrator (OCA) ang pagpapataw ng mahigpit na babala kay Judge Inciong, kasama ang paalala na mas mabigat na parusa ang ipapataw sakaling maulit ang kahalintulad na pag-uugali.
















