Nanawagan ang labor group na Nagkaisa Coalition sa Office of the Ombudsman na bumuo ng fact-finding task force upang imbestigahan at papanagutin ang mga opisyal na sangkot sa paglilipat ng ₱60 billion na pondo ng PhilHealth sa National Treasury.
Ito ay matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang probisyon sa 2024 General Appropriations Act at Department of Finance circular na nag-utos na i-remit ng PhilHealth ang halos P89.9 bilyon sa National Treasury.
Sa desisyon noong December 3, iniutos ng Korte Suprema na ibalik sa PhilHealth ang P60 bilyon sa 2026 budget, at pinagbawalan nang tuluyan ang paglilipat sa natitirang P29.9 bilyon.
Bagama’t ikinatuwa ng Nagkaisa ang ruling, iginiit nila na hindi pa tapos ang laban dahil hindi tinukoy ng korte ang posibleng criminal o civil liability ng mga opisyal, kabilang si dating Finance Secretary Ralph Recto.
















