Tinatayang aabot sa PHP 3.03 bilyon ang kabuuang pamumuhunan at hanggang 7,200 trabaho ang malilikha ng mga bagong ecozone.
Binigyang-diin ni Executive Secretary Ralph Recto ang positibong epekto sa ekonomiya ng mga inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagtalaga ng mga lupa sa Parañaque, Laguna, at Misamis Oriental bilang Special Economic Zones (SEZs) upang makahikayat ng pamumuhunan at makalikha ng mas maraming trabaho.
Ayon kay Recto, patuloy na dinarayo ng mga mamumuhunan ang mga lugar dahil sa estratehikong lokasyon, may kasanayang lakas-paggawa, maayos na imprastraktura, at maaasahang utilities.
“Sa pamamagitan ng SEZs, mapapalago natin ang future-ready na mga industriya at makalilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino,” pahayag ni Recto.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1111, itinalaga ang 8912 ASEAN Avenue sa Aseana City, Parañaque bilang Information Technology hub.
Ang Proclamation No. 1112 naman ay lumikha ng Agro-Industrial Economic Zone sa mga bahagi ng Barangays Cabug at Maanas sa Medina, Misamis Oriental, na tatawaging Alloco Development Corp. Industrial Estate.
Samantala, inilunsad ng Proclamation No. 1113 ang Filinvest Innovation Park sa Barangays Bubuyan at Punta sa Laguna.
Nilagdaan ni Recto ang mga proklamasyon noong Disyembre 16, 2025.
Ang mga SEZ ay may kalakip na fiscal at non-fiscal incentives alinsunod sa Republic Act No. 7916 (Special Economic Zone Act of 1995), gaya ng inamyendahan ng RA 8748, at sa mga patakaran ng PEZA.
Ang mga proklamasyon ay alinsunod sa rekomendasyon ng PEZA Board of Directors.










