-- Advertisements --

Idineklara ng central committee ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang ceasefire para sa Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa grupo, magiging epektibo ang ceasefire pagpatak ng Disyembre 25 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Disyembre 26 ng kasalukuyang taon at pagpatak ng Disyembre 31 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Enero 1 sa susunod na taon.

Sa apat na araw na ito, sinabi ni CPP information officer Marco Valbuena na ipinag-utos ng New People’s Army (NPA) ang active defense mode at “high alert” laban sa ground at aerial attacks ng Armed Forces of the Philippines. Sa ngayon, wala pang tugon ang panig ng Hukbo sa hakbang ng rebeldeng grupo.

Ayon kay Valbuena, inisyu ang pansamantalang tigil-putukan bilang pakikiisa sa mamamayang Pilipino sa simpleng selebrasyon ng tradisyunal na holidays sa gitna ng malalang sitwasyon sa lipunan at ekonomiya ng bansa.

Maliban sa selebrasyon ng holidays, sinabi rin ni Valbuena na ang ceasefire ay kasabay ng pag-marka ng ika-57 anibersaryo ng CPP sa Disyembre 26.