-- Advertisements --

Inihayag ng kampo ng mga Duterte na posible umanong maapektuhan ang kredibilidad ng Office of the Solicitor General sa pagtayo muli nito bilang abogado ng gobyerno sa petisyon may kinalaman sa pagkakaaresto kay former President Rodrigo Duterte tungo International Criminal Court.

Ayon mismo sa abogado ng dating Pangulo at Senador Bato Dela Rosa, na si Atty. Israelito Torreon, ang pagbabalik at pagbabago ng ‘legal stand’ ng Solicitor General ay maaring makaapekto sa kredibilidad nila ukol sa petisyon.

Nito lamang kasi ay pinagbigyan ng Kataas-taasang Hukuman ang manipestasyon ng Office of the Solicitor General para muling tumayo bilang ‘abogado’ ng respondents kinabibilangan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.

Sa isinagawang En Banc Session ng Korte Suprema kamakailan ay inaksyunan at pinaburan nito ang Manifestation with Entry of Appearance ng Solicitor General.

Ibig sabihin ay maari na muling ipagtanggol ng Solicitor General ang mga ‘respondents’ itinuturong responsable sa pagkakaaresto sa dating pangulo.

Spekulasyon naman ng kanilang kampo na posibleng mayroong humimok sa Solicitor General upoang baliktarin ang naunang desisyon nito.

Ayon kay Atty. Torreon, maaring nadiktahan ito ng sinuman o administrasyon para ipagtanggol ang argumentong legal ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo.

Ngunit paglilinaw niya na ito’y base pa lamang sa kanilang obserbasyon.

Samantala, aminado naman ang naturang abogado na mahihirapan sila sa kanilang panig kasunod nang muling pagbabalik ng Solicitor General.

Dagdag pa rito’y maghahain aniya raw silla ng kanilang sariling ‘pleading’ sa Korte Suprema para ibahagi o ilahad ang kanilang obserbasyon matapos paburan na makabalik ang Solicitor General.