-- Advertisements --

Inaprubahan ng Korte Suprema ang bagong Rules sa Extradition Proceedings.

Magiging epektibo ito simula Nobyembre 10, 2025, matapos aprubahan ng lahat ng 15 mahistrado.

Layunin nitong gawing mas malinaw, pare-pareho, at episyente ang proseso ng paglilipat ng mga pugante sa ibang bansa.

Sasaklawin ng bagong alituntunin ang lahat ng kasong may kinalaman sa extradition, kabilang ang mga aplikasyon para sa warrant of arrest, hold departure order, at piyansa.

Ipinaliwanag ng SC na ang extradition ay proseso upang tiyakin kung ang kahilingan ng ibang bansa ay naaayon sa batas at international agreement, para maiharap ang isang akusado sa imbestigasyon o parusa sa bansang humihiling ng extradition.

Binibigyang-diin ng bagong patakaran ang prinsipyo ng double criminality, na nangangahulugang papayagan lamang ang extradition kung ang kasong isinampa ay pinaparusahan sa parehong bansa.

Papayagan lamang ang extradition kung ang natitirang sentensiya ng isang tao ay hindi bababa sa anim na buwan.

Isasagawa ang mga pagdinig sa ex parte o open court, depende sa kahilingan ng korte o mga partido, lalo na kung sensitibo ang impormasyon.

Hindi na rin kinakailangang magpresenta ng testigo maliban kung kailangan, at ang desisyon ay dapat ilabas sa loob ng 30 araw matapos ang huling pagdinig o pagsusumite ng pleadings.