Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na nagbigay ang pamahalaan ng Saudi Arabia ng anim na buwang palugit para sa mga undocumented overseas Filipino workers (OFW), partikular na ang mga runaway domestic workers, upang ayusin ang kanilang pananatili sa bansa.
Ayon kay DMW Undersecretary for Middle East and African Affairs Jainal Rasul Jr., inanunsyo ng Ministry of Human Resources and Social Development (MHRSD) ng Saudi ang tinatawag na correction period para sa mga manggagawang may kasong “huroob” o ang mga iniulat na tumakas sa kanilang employer.
Ibig sabihin, binibigyan sila ng Saudi ng pagkakataon hanggang Nobyembre 10 para makahanap ng bagong amo na magbibigay sa kanila ng ‘iqama’ o bagong work permit.
Ipinaliwanag ni Rasul na sa ilalim ng grace period, makakahanap ang mga OFW ng bagong employer nang hindi pinapatawan ng multa sa imigrasyon—na karaniwang umaabot sa SAR600 o humigit-kumulang P9 million depende sa haba ng overstay.
Aniya, mas mababa na rin ang bilang ng mga tumatakas na manggagawa kumpara sa mga nagdaang taon. Sa Riyadh, tinatayang nasa 100 babae at 45 lalaki lamang ang kasalukuyang tinutulungan ng embahada. Sa Al-Khobar, may 50 kaso, karamihan ay may exit visa na. Mas mataas naman ang bilang sa Jeddah ngunit inaasahang makakauwi rin ang karamihan.
Nagbabala rin si Rasul sa mga undocumented workers sa mga salon at beauty shop sa Jeddah na maging maingat dahil sa pinaigting na immigration inspections, lalo na sa LGBTQ+ communities.
Pinaalalahanan ng DMW ang mga Pilipino sa Saudi Arabia na igalang ang lokal na batas at kultura habang patuloy na binibigyan ng tulong ng gobyerno ang mga nangangailangang manggagawa.