Patuloy ang pagbibigay ng reaksyon ng mga kilalang personalidad sa lumalalang isyu ng korapsiyon sa gobyerno, kasunod ng pagkakabunyag ng maanomalyang flood control projects na kinasasangkutan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kabilang sa mga naglabas ng saloobin ang celebrity couple na sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli.
Sa isang event noong August 29, nagbigay ng patutsada si Sarah kaugnay ng isyu habang nasa kalagitnaan ng isang skincare discussion kasama sina Dra. Vicki Belo at Dr. Hayden Kho.
Aniya, “Pero ‘yung kalsada dun, Doc, hindi na-absorb ‘yung tubig kasi tinipid,” na agad umani ng tawanan at hiyawan mula sa audience.
Maraming netizens at celebrities ang nagpuri sa komento ni Sarah, na kilala bilang pribadong personalidad pagdating sa mga isyu sa gobyerno.
May mga nagbanggit pa na siya ay isa sa top taxpayers ng bansa, kaya karapat-dapat lamang daw na magsalita ito sa ganitong usapin.
Sa kabilang banda, mas tahasan at direkta ang naging komento ng asawang si Matteo. Sa isang serye ng posts sa X (dating Twitter), binatikos niya ang maluhong pamumuhay ng mga anak ng diumano’y sangkot na contractors.
Isa sa mga ito ay nagbayad umano ng P759,000 para sa isang dinner for two sa isang luxury hotel.
Ani Matteo, “Not funny at all,” at sinundan pa ito ng mensahe: “Post, repost, like, share. Expose it all. Good morning!” Dagdag pa niya, “Real change begins with transparency, accountability, and integrity.”
Bukod sa Sarah-Matteo tandem, nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya sa isyu sina Pasig City Mayor Vico Sotto, Vice Ganda, Anne Curtis, Bianca Gonzalez, Nadine Lustre, at Carla Abellana.