-- Advertisements --

Hindi pa umano bumabalik sa Pilipinas si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan mula sa US.

Ito ay sa kabila ng naunang deklarasyon ng dating kalihim na babalik siya sa bansa pagsapit ng December 17, 2025.

Unang nagtungo sa US si Bonoan upang samahan ang kaniyang asawa para sa isang medical procedure.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Dana Sandoval, hindi pa dumaraan si Bonoan sa anumang immigration counter sa mga paliparan at pantalan ng bansa.

Sa kasalukuyan, walang kasong kinakaharap si Bonoan ngunit isa siya sa mga inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure na masampahan ng kaso dahil sa umano’y nabunyag na korapsyon sa maraming flood control project sa bansa, lalo na noong siya pa ang kalihim ng DPWH.

Sa kasalukuyan, hindi pa malinaw kung kasalukuyan na siyang pabalik sa Pilipinas, lalo na at wala ring idineklarang return flight ang dating Kalihim.

Nobyembre-11 noong umalis sa Pilipinas si Bonoan patungong US via Taiwan. Ito ay ilang buwan lamang mula noong nagbitiw siya sa pwesto bilang kalihim ng public works.