Inanunsiyo ni Public Works Secretary Vince Dizon nitong Lunes ang bagong opisyal na mamumuno sa DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, na nasangkot sa kontrobersiya sa mga flood control projects.
Itinalaga si Kenneth Fernando bilang officer-in-charge district engineer, habang si Paul Gumabas ay assistant district engineer. Pinalitan naman si retired Army General Rommel Tello bilang regional director ng DPWH Central Luzon.
Binigyang-diin ni Dizon ang babala laban sa katiwalian at ang pangangailangang magbigay agad ng solusyon sa mga mamamayan ng Bulacan na matagal nang nakakaranas ng pagbaha.
Ayon sa Commission on Audit (COA), may apat na Fraud Audit Reports (FARs) na inihain sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ukol sa umano’y “rampant irregularities” sa Bulacan flood control projects na nagkakahalaga ng P297 milyon.
Lahat ng apat na proyekto ay ipinatupad ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office. Nasangkot ang dating mga engineer na sina Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, at Jaypee Mendoza sa umano’y kickback scheme sa mga naturang proyekto.(report by Bombo Jai)
















