Mahigpit na tinututukan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng mga Pilipinong naapektuhan ng nagpapatuloy na tensyon sa border ng Thailand at Cambodia.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nasa 56 na Pilipino sa Cambodia at 259 naman sa Thailand ang direktang apektado ng kaguluhan. Karamihan sa mga ito ay mga guro at non-teaching personnel na nagtatrabaho sa mga paaralan malapit sa border ng Thailand na pansamantalang inilikas dahil sa sitwasyon.
“256 are teachers who work at Thailand’s border—teachers and non-teaching personnel in schools—who were evacuated. And we have 56 at the Cambodian side who were rescued,” pahayag ni Cacdac sa paglulunsad ng operational guidlines for referral of cases involving trafficked migrant workers and overseas Filipinos, Huwebes, Disyembre 18, na ginanap sa tanggapan ng DMW sa Mandaluyong City.
Iniulat din ng kalihim na 22 sa 56 na Pilipinong nasa Cambodia ang nakatakdang i-repatriate sa bansa sa susunod na linggo. Samantala, nagbigay na rin ang DMW ng financial assistance para sa pangunahing pangangailangan ng mga guro na pansamantalang nawalan ng trabaho dahil sa kaguluhan.
Binigyang-diin ni Cacdac ang malaking papel ng ipatupad ang unified referral mechanism na mas naging mabilis at mas maayos ang pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong biktima ng trafficking at mga kaguluhan sa ibang bansa.
“May mga biktima na hindi na-eendorso sa appropriate unit or agency for assistance dahil walang national or unified referral mechanism,” paliwanag ng kalihim, sabay sabing ang kakulangan ng malinaw na sistema noon ay nagdulot ng pagkaantala sa pag-bibigay ng tulong na dapat sana’y agad na natatanggap ng mga apektadong Pinoy.
Ayon pa sa DMW chief, layunin ng bagong mekanismo na matiyak na lahat ng na-eendorso na biktima ay mapupunta sa tamang ahensiya at makatatanggap ng nararapat na tulong. Dahil dito, kapansin-pansin umano ang pag-ikli ng processing time dahil malinaw na ngayon ang papel ng bawat ahensiya at ang daloy ng proseso.
Ibinahagi rin ni Cacdac na sa huling repatriation operation ng pamahalaan, natapos ang buong proseso sa loob lamang ng tatlong (3) araw at 346 na indibidwal ang matagumpay na naibalik sa bansa—mas mabilis kumpara sa mga nakaraang operasyon.
“Ngayon, dinadala natin sa iisang lugar ang mga ahensiyang dapat magbigay ng tulong,” ani Cacdac, bilang patunay ng pinahusay na koordinasyon ng pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipinong nasa krisis sa ibang bansa.














