-- Advertisements --

Hiniling ng bilyunaryong contractor na si Sarah Discaya na mailipat muli siya ng kostudiya, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ni NBI spokesperson Palmer Mallari na isang urgent motion ang inihain ni Discaya sa local court para sa paglilipat sa kaniya mula sa Lapu-Lapu City Jail patungo sa kostudiya ng NBI.

Kalakip nito ay ang kahilingan din ng kampo na mapayagan si Discaya na dumalo sa mga court hearing sa pamamagitan ng video conferenceing, kung papaboran man ng korte ang kaniyang transfer of costudy request.

Ayon pa kay Mallari, inatasan na ng korte ang Office of the Ombudsman–Visayas at ang NBI na magsumite ng kanilang komento ukol dito, sa loob ng sampung araw.

Una nang ibiniyahe si Discaya patungong Cebu nitong nakalipas na lingo at sa kasalukuyan ay nananatili siya sa Lapu-Lapu City Jail, kasama ang walong iba pang kapwa niya akusado.

Ayon kay Mallari, maging ang iba pang kasama ni Discaya ay opisyal na ring naghain ng kaparehong request.

Nag-ugat ang kaso ng mga ito sa umano’y P96.5 million flood control project sa Davao Occidental na batay sa inisyal na imbestigasyon ay lumalabas na isang ghost project.