Nananatiling nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) sa buong bansa mula sa panahon ng Pasko hanggang sa pagsapit ng Bagong Taon 2026.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa gitna ng mga pagdiriwang.
Ayon kay acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., naging matagumpay ang pagdaraos ng siyam na araw ng Simbang Gabi.
Wala umanong naitalang anumang insidente na nakaapekto sa kapayapaan at kaligtasan ng mga nagsimba.
Lubos niyang pinuri ang dedikasyon at paglilingkod ng mga kapulisan sa pagpapanatili ng seguridad sa mga simbahan at sa kanilang pagpapatupad ng mga batas.
Gayunpaman, binigyang-diin ni PLtGen. Nartatez na magiging mas abala pa ang PNP sa panahon ng Pasko at Bagong Taon kumpara sa Simbang Gabi.
Ito ay dahil sa inaasahang pagtaas ng mga insidente na may kaugnayan sa paggamit ng paputok at iba pang uri ng firecrackers.
Dahil dito, inatasan na rin ang lahat ng mga istasyon ng pulisya sa buong bansa na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa iligal na pagmamay-ari at pagbebenta ng armas, pati na rin ang mahigpit na pagbabawal sa mga iligal na paputok.
Kasama rin sa direktiba ang pagtutok sa online na bentahan ng mga ito, upang mas mapigilan ang pagkalat ng mga mapanganib na produkto.
















