Dumating muli ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa tanggapan ng Department of Justice ngayong araw ng Sabado.
Sumalang ang mga ito sa nagpapatuloy na ebalwasyon at beripikasyon ng kagawaran sa kanilang mga testimonya o nalalaman ukol sa flood control projects.
Bantay saradong unang pumasok si Curlee Discaya suot ang bullet-proof vest nito na sinundan din naman agad ng kanyang asawang si Sarah Discaya.
Ngunit agaw pansin ang ipinakitang aksyon ni Sarah Discaya sapagkat nang tanungin ng Bombo Radyo kung kumusta na ito, kanya lamang sagot ay isang ‘finger-heart’.
Tumagal ng ilang oras ang kanilang muling pagbisita sa kagawaran kasama si Department of Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.
Sa kanilang pangalawang pagdating sa kagawaran, dito nila iprinesenta o idinala ang karagdagang mga dokumento o ebidensiya makapagpapatunay sa kanilang testimonya.
Dito binigyang diin ni Justice Secretary Remulla na hindi umano sapat na testimonya lamang kundi aniya’y kalapit dapat nito pati matitibay na ebidensya.
Kung kaya’t posibleng ipatawag niyang muli ang mga ito sa darating na lunes upang maipagpatuloy ang pagtatanong ukol sa kanilang mga nalalaman.
Gagawa din aniya raw siya ng paraan upang mapahintulutan sila na makauwi para makakuha ng mga dokumentong maaring magamit pa bilang ebidensya.
Subalit hindi kinumpirma o ibinahagi ni Justice Secretary Remulla ang partikular na mga dokumento o ebidensyang idinala ng mag-asawa sa kagawaran ngayong araw.
Habang dagdag pa ni Justice Secretary Remulla, ang isyu ng korapsyon sa flood control projects ay maari at pinaniniwalaang pinakamalaking scam o korapsyon umano sa kasaysayaan ng bansa.
Gayunpaman tiniyak ng kalihim na gagawin nila ang lahat para lamang maberipika at maisailalim sa masusing ebalwasyon ang kanilang mga testimonya.
“This is probably the biggest scam, the biggest corruption issue in Philippine history kung tutuusin natin that’s why we have to really work hard to get to the bottom of these things,” ani Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ng Department of Justice.
Aminado naman ang kalihim na hindi agaran matatapos ang prosesong isinasagawa ng kagawaran para sa case buildup hinggil sa maanomalyang flood control projects.
Kung kaya’t miski overtime at pati pagpasok ng Sabado ay kanilang gagawin para lamang masuring maigi at matapos ang ebalwasyon ng Department of Justice.