-- Advertisements --

Iginiit ng Sandiganbayan na ito ang may jurisdiction sa kasong katiwalian kaugnay ng P600 million COVID-19 supply contract na iginawad sa Pharmally Pharmaceutical Corp., taliwas sa mga naunang desisyon ng regional trial courts (RTC).

Sa isang 43-pahinang resolusyon na inilabas noong Hulyo 21, sinabi ng Seventh Division ng anti-graft court na saklaw ng Republic Act No. 10660 ang nasabing kaso, dahil sa laki ng halagang sangkot at dahil narin ang mga akusado ay mga opisyal ng pamahalaan.

Dalawang beses na kasing ibinasura ang kaso ng RTC —una ng Manila RTC Branch 39 noong Setyembre 9, 2024, at muli ng Malolos RTC Branch 12 noong Disyembre 26, 2024 dahil sa kakulangan umano ng hurisdiksyon.

Ngunit kinontra ito ng Ombudsman, at pinal na pinagtibay ng Sandiganbayan na may sapat na batayan upang ang kaso ay manatili sa kanila, dahil sa indikasyong higit sa P1 million ang pinansyal na pinsala sa gobyerno.

Magugunitang kinasuhan ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang ilang opisyal ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) at mga executive ng Pharmally.

Inakusahan silang nagbigay ng hindi nararapat na pabor sa kumpanya sa pamamagitan ng P600 million kontrata para sa COVID-19 testing kits noong Hunyo 2020.

Kabilang sa mga kinasuhan ay sina dating PS-DBM officials Lloyd Lao, Warren Liong, Christina Suntay, Augusto Ylagan, Jasonmer Uayan, Webster Laureñana, at Paul de Guzman; at mga Pharmally executives na sina Twinkle at Mohit Dargani, Linconn Ong, Justine Garado, Huang Tzu Yen, Krizle Mago, at Lin Weixiong.

Patuloy namang iniimbestigahan ang iba pang kontrata ng PS-DBM sa Pharmally, kabilang ang dalawang karagdagang kontrata na nagkakahalaga ng P2.8 billion at P688 million.

Ang naturang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta at nilagdaan nina Associate Justices Georgina Hidalgo at Zaldy Trespeses.