Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela at hiling na makapagpiyansa ni Veronica Carpio, dating hepe ng Taxpayers Service Division ng BIR sa Quezon City, kaugnay ng kanyang kasong estafa.
Sa resolusyong inilabas noong Hulyo 15, pinagtibay ng Sandiganbayan ang desisyon ng Quezon City RTC Branch 87 na nagpapataw ng isang taong pagkakakulong kay Carpio.
Inakusahan siyang humingi ng P125,000 mula sa isang complainant kapalit ng umano’y pag-aayos ng transfer ng titulo sa Register of Deeds.
Iginiit ni Carpio na hindi siya nabigyan ng due process at hindi niya alam na may warrant of arrest siya. Ngunit ayon sa Sandiganbayan, wala nang bagong isyung inilahad ang kanyang apela at pinagtibay na rin noon ang kanyang pagkakasala sa kasong estafa.
Ang resolusyon ay may lagda nina Associate Justices J. Ermin Ernest Louie Miguel, Michael Frederick Musngi, at Lorifel Pahimna.