Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) si San Simon Pampanga Mayor Abundio “JP” Punsalan Jr. matapos na maaresto sa isang entrapment operation ng NBI Intelligence Service sa isang restaurant sa Clark, Pampanga nitong Agosto 5.
Sa isang pulong balitaan na ginanap sa tanggapan ng NBI sa Pasay City, ay ipinrisenta ni NBI Dir. Jaime Santiago ang naarestong alkalde kasama ang lima nitong body guards.
Ayon kay Santiago, sa kanilang naging background investigation, napagalamang hindi lamang ito ang unang beses na gumawa ng iligal na transaksyon ang alkalde ng San Simon kung saan marami na aniya itong kinaharap na kaso at nakasuhan na rin ngunit ito ang unang beses na naaresto bunsod ng naging entrapment ops ng ahensya.
Laking gulat din aniya ng kanilang tanggapan ng mismong si Punsalan ang lumutang sa ikinasang operasyon ng kanilang mga tauhan.
Paliwang ni Santiago, kadalasan kasi na mga middleman lamang ang nasasakote sa mga operasyon kaya naman ito ang kauna-unahang beses na makaaresto sila ng ika nga’y high level na opisyal ng gobyerno.
Samantala nahaharap naman sa patong-patong na kaso ang Mayor at maging ang middle-man sa transaksyson na si Dr. Ed Ryan Dimla sa kasong extortion o robbery in violation of Republic Act 3019 o mas kilala bilang paglabag sa Anti- Graft and Corrupt Practices Act at Section 28 of Republic Act 10591 o Illegal Possession o Firearms na siyang isinampang kaso rin sa limang security personnel ni Punsalan.
Kasalukuyan namang sumasailalim pa sa beripikasyon ang mga armas na nakuha mula sa mga tauhan ng alkalde upang ma-check kung mayroon bang sapat na lisensya at dokumento ang mga armas na ito at kung sakali namang mapagalamang wala itong mga sapat na papeles ay kakaharap pa sa panibagong kaso ng mga akusado.
Samantala nanawagan naman si Santiago sa iba pang posibleng nabiktima ni Punsalan na lumutang na at magbigay ng kanilang mga statement upang mas Lalo pang tumibay ang mga kasong kinakaharap ngayon ng alkalde.
Tiniyak naman ni Santiago sa publiko na poprotektahan at pananagutin nila sa batas ang mga gumagawa ng ganitong klase ng mga iligal na Gawain nasa gobyerno man ang mga personalidad na ito.