-- Advertisements --

Bigo ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ngayong Biyernes sa Pasay City.

Target ng operasyon ang ilang opisyal ng Sunwest Construction at dating tauhan ni ex-congressman Elizaldy “Zaldy” Co.

Ayon sa ulat, sinalakay ng mga awtoridad ang isang 10-palapag na gusali matapos makatanggap ng impormasyon na dito umano nagtatago ang tatlong opisyal ng Sunwest.

Napag-alaman na nagpapanggap umano ang mga ito bilang empleyado ng hotel upang makaiwas sa mga otoridad.

Gayunman, wala silang nadatnan sa naturang gusali at bigo ang operasyon na maaresto ang mga pugante.

Matatandaang sinampahan na ng kaso ng Sandiganbayan si Zaldy Co at 15 iba pa kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects sa Oriental Mindoro.

Patuloy namang nagsasagawa ng follow-up operations ang NBI at PNP upang matunton ang kinaroroonan ng mga pinaghahanap na personalidad. (Angelo Aganan)